Thursday, December 29, 2016

Jeepney

This is a piece made for the annual YES CAMP (10th Youth for Environment Summer Camp) written by Mary Joyce Chungtuyco. It was performed by the students of Marcelo H. del Pilar National High School, and was a third placer on the national speech choir competition under YES CAMP, year 2012. 
You can watch the performance here: https://www.youtube.com/watch?v=Dl4FNsWWuvo
This piece is published first by falteringdelight.tumblr.com
Jeepney
ni Mary Joyce Chungtuyco
Balot!
Pabili po!
Sakay na po kayo! Papuntang Quiapo!
Tabi nga sa kanan!
Tabi nga sa kaliwa!
Napakainit naman!
Sa labas? Sa loob? Maalinsangan!
Mainit ba talaga? O marami lang pasahero?
Oo, Lahat ng klase ng tao ay nakasakay na dito,
Mahirap man o mayaman,
Marami na ang mga pangyayari sa biyahe ng mundo,
May isang pasaherong biglang dumating.
Ma, bayad po!
Bayad po!
Saan to?
Saan daw to? 
Saan daw yun?
Ah eh... sa sulok ng mundo, kung saan hindi ramdam ang paghihirap ang aking Ina.
Paghihirap? Paghihirap ba kamo ng Ina mo?
Oo, ina.
Mama? Nanay? Ermats? Mommy? Mudra? Mamita?
Ay hindi, tatay ko. 
Weh.
Eh, sino ba talaga ang kanyang Ina?
Ito ang simula ng isang biyaheng may kwenta, at may kwento!
Biglang nagsindi ng yosi ang isang mama.
Hindi ba niya nababasa ang katagang nasa harap nya?
"No smoking!"
Ay parang yung kapitbahay lang namin yan e.
Ha? Parang yung kabit bahay daw nya? 
Nagsisiga sa kanyang bakuran. 
Hindi alam ang nangyayari sa hangin.
Oo, hangin.
Kaya pala nahihirapan ang nanay nya.
Hindi na sya makahinga.
Si Inang Kalikasan ba?
Ay teka, huminto muna tayo, nabutas yung gulong natin.
Nabutas? Nabutas na?
Hala, paano na tayo makakaandar?
Paano na tayo makakausad? 
Paano na natin maitutuloy ang biyahe ng mundo? Kung butas na ang pundasyon nito?
Gulong palang ng jeepney ang nabutas, sobra na ang natatas.
Kakaiba na ang nararanasang klima, ramdam mo, ramdam ko, handa ka na ba?
Parang init ng mundo ay paiba iba, ramdam mo? Ramdam ko. Handa ka na ba?
Tag init na, pumapatak pa ang ulan?
Sa isang oras pa'y nagbabaga ang lansangan.
Ramdam mo, ramdam ko. Handa ka na ba?
Boom!
Yan ang climate change.
Super init! OA sa lamig!
Kahit sa loob o sa labas pa yan ng jeepney, hindi mo na maiiwasan ang pagkasira ng kalikasan. 
At ang unti unting pagkagunaw ng daigdig.
Wala ka ng malilipatan pa.
Wala ka ng mapupuntahan.
Pag si Inang Kalikasan na ang nang iwan. 
Umuulan, bumabagyo, bumabaha!
Namamatay mga taong hindi handa.
Handa ka na bang maiwan nya? O handa ka ng alagaan sya?
Sobra na, tama na.
Unti unti namamatay sya. Kailan pa natin iisipin kalagayan ni Ina?
May oras pa, kilos na!
Handa ka na bang pumara? Handa ka na bang bumaba ng jeepney?
Handa ka na bang gumawa ng hakbang para sa kanya? Kasi kami handa na!
Kaya huwag magalit o magpanic, aksyon sa climate change makisama!
To the next level na ang pagkontra!
Nandito na yata tayo. Ma, para!

END

No comments:

Post a Comment